Sino Ako?
Ang inyong lingkod, Phillip Kimpo Jr. Mas kilala sa blogosphere sa sagisag-panulat na “Corsarius”. Mayro’n din akong sagisag-panulat para sa wikang Filipino, pero sa ngayon, ito muna ay isang malaking…sikreto.
(Anak ng…may nalalaman pang pa-secret-secret ang loko.)
Isa akong freelance writer, professional blogger, at webmaster. Sa gabi ‘yon. Pag umaga (madaling araw), ako’y isang makata at kuwentista sa dalawang wika. Mali pala: nagpupumilit maging makata at kuwentista. Gaya nga ng sabi noon ni Rio Alma sa aming mga LIRA fellow noon: Wala kaming alam. Lalo na sa ating wika. Marami pang kailangang matutuhan.
(Hindi lang sa wikang Filipino may kakuparan ang batang ito. Di nga siya makapagsalita ng Akeanon, ang wika ng kanyang mga magulang at ninuno. Tsk.)
Ako ay nagtapos mula sa UP Diliman noong Abril 2006, ng isang kurso kung saan ako’y sumusulat din. Code is poetry, ika nga ng mga kolega ko noon.
(Computer Science ang kurso. Paligoy-ligoy pa e.)
Nagsimula akong magseryoso sa pagtula at pagsusulat noong 1st/2nd year college lamang. Hindi ko na matantiya kung kailan talaga.
(Nagsimula siyang sumulat dahil sa pag-ibig. Awww. Tapos, naging “jaded”. Awww.)
Sumusulat ako gamit ang aking laptop (si Corsarify) at ang itim kong kuwaderno, isang moleskine na kapangalan ng blog na ito.(Mahilig din siyang magsulat sa Post-It Note at UP blue book paminsan-minsan).
Kung kailangan ninyo akong makausap nang pribado, maari ninyo akong marating sa pamamagitan ng contact details na ito.
(Para namang may kakausap sa kanya.)
Inaanyayahan ko rin po kayong bisitahin ang aking blog para sa Ingles na pagsusulat, ang Slip of the Pen, at ang aking pseudo-tech blog na Crimson Crux.
(Parehong hindi masyadong ina-update na blogs. Hay. Ang mga tamad nga naman o.)
Iyon lamang po. Ang aking mga sulatin sa blog na ito ang tunay na makapagpapakilala sa inyo kay Corsarius.
(Salamat at tapos na!)