Archive for the ‘Tula’ Category

Ikalimang Isyu ng Bulawan Online

Sunday, March 8th, 2009

Magandang araw!

Lumabas na po ang ikalimang isyu ng Bulawan Online, tampok ang mga tula, sanaysay, pagsusuri, at panayam nina Roberto T. Añonuevo, Romulo P. Baquiran Jr., V.E. Carmelo D. Nadera Jr., at Virgilio S. Almario.

Magpunta lamang po sa www.bulawanonline.com.

Patuloy naming hinihikayat ang mga batikan at nagsisimulang makata at manunulat na magpasa ng kanilang mga akda sa lathalaan. Nais naming magtampok ng mas maraming akda sa dalawang susunod na isyu ng BUL-OL bilang pagdiriwang sa nalalapit na unang anibersaryo ng magasin sa Hunyo.  

Mula sa mga editor:

ISYU BLG. 5. Ipinagmamalaking ilathala ng Bulawan Online sa isyung ito ang katangi-tanging mga akdang pampanitikan sa mga buwan ng Pebrero-Marso 2009.

Tampok din sa isyung ito ang retrato ni Phillip Kimpo Jr., ang The Spring of Spring / Unang Sibol (Manaoag, Pangasinan).

Mga sipi mula sa mga akda:

Pag-Ibig, tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo:

“Tagak sa gitna ng putikan ang maglalaro sa iyong guniguni. Lilipad ang ibon at darapo sa iyong balikat. Mapuputikan ang iyong balikat, at ang iyong balikat ay waring likod ng matandang kalabaw na nalulungkot dahil nawawala ang kaibigang kalakian.”

Lipat Ospital, sanaysay ni Romulo P. Baquiran Jr.:

“Sa matino ba ako inilipat? Bakit puro may tattoo ang mga katabi kong pasyente? Hmm. Napasok ako sa ward ng mga kasangkot sa gang. Susme, mga literary gang lang ang alam ko. Sabi agad ni Manong sa katabing kama na itago ang maganda kong cellphone at baka agawin. Sa loob ng ospital? Okey, inilagay ko sa bulsa ang phone.”

Ang Kalaparan ng Kapalaran Ayon Kay Khavn de la Cruz, pagsusuri ni V.E. Carmelo D. Nadera Jr.:

“May kalaparan ang kapalaran ni Khavn. At nanganganib nga lamang siya na maging kalat ang kanyang pagkalat, kung hindi man sabog ang kanyang pagsabog, sa kanyang mga kapangyarihan bilang artista o artiste!”

Pormula ng Romansa sa Dulang Pantelebisyon, pagsusuri ni Roberto T. Añonuevo:

“Walang pinagbago ang pormula ng romansa sa dulang pantelebisyon, lalo sa dalawang pangunahing network. Inuulit-ulit lamang sa panibagong disenyo, usapan, at artista ang lahat ng kumbensiyonal na kuwento, ngunit ang esensiya ng salaysay ay nananatiling panahon pa ng kopong-kopong.”

Katahimikan, Pagnanasa at Etika ng Babae sa ”Ang Mundong Ito ay Lupa”, pagsusuri ni Romulo P. Baquiran Jr.:

“Sa isa sa pinakahuling nobela ni Edgardo M. Reyes—Ang Mundong Ito ay Lupa—may mga puwang sa salaysay na puwedeng sinadyang ginawang gayon upang hayaan ang mambabasa na siyang maglagay ng interpretasyon. Magsisilang ito ng mga katanungan at pagpapakahulugan na puwedeng nasa mismong nobela ang kasagutan. Ngunit posible ring nasa mambabasa na ang desisyon (sa pagsulat ng akda, tapos na ang trabaho ng nobelista) kung alin ang mas angkop na pagbuo ng kahulugan.”

Saan Ba Nagmula ang Panitikan?, panayam ni Virgilio S. Almario:

“Sa katà nagmula ang makatà—ma+katà, ang ibig sabihin, “marami o mahusay sa katà.” Dito natin mauugat ang popular na haka sa makata bilang sinungaling (“manlulubid ng buhangin,” “manunungkit ng bituin”) kung hindi man mapangarapin (“lumilipad ang isip.” “laging nakatuntong sa ulap,” “lumilikha ng wala”). Sa isang bandá, isang sumpa ito sa mga mambebersong bolero at matamis ang dila at ginagamit lamang ang tula upang mang-aliw ng madla o mang-akit at manlinlang ng dalaga.”

Nilalaman din ng bagong isyu ang mga bahaging:

  • Mula sa Inyo — “Nabasa ko po…ang mga panukalang batas na magpapatibay sa Ingles bilang wikang panturo sa paaralan…Nakikipag-usap po ba ang mga [kapisanan ng mga manunulat] sa ating mga mambababatas upang mahimok silang tangkilikin o, kahit man lang, kilalanin ang potensyal ng Filipino bilang wikang pangkomersyal at akademiko?”
  • Rio Almanac — Alamin kung sino sa mga pinagpipitaganang manunulat at makata ng Filipinas ang isinilang sa Pebrero at Marso.
  • Buklatan –  Mga bagong aklat na pampanitikan o sa panitikan.

Pagbása ni Roberto T. Añonuevo sa Aking “Talà”

Tuesday, July 22nd, 2008

(Galing sa aking Multiply.)

Laking gulat ko kaninang tanghali nang nabasa ko ang pinakahuling sanaysay ni Ginoong Roberto Añonuevo sa kanyang blog. Sa Estetika at Pagtanaw hinggil sa Dalawang Lungsod, sinuri ni sir Bobby ang dalawang tula, at ang isa ay ang aking Talà, isinulat noong Marso 2007 at isinabak sa Palihan sa LIRA noong Agosto 2007.

Bago kay sir Bob ay wala pang nakapagsusulat ng pagsusuri sa aking mga akda, sa Ingles man o sa Filipino, kaya doble ang gulat at tuwa (gulatuwa?) kong naramdaman na ang unang beses ay mula sa isa sa mga pinakabatikan at tinitingalang manunulat sa Pilipinas.

Ilang sipi/excerpt mula sa nasabing sanaysay:

Maaaring tanawin ang lungsod sa iba’t ibang paraan, at isa sa rito ang pagtatanghal sa punto de bista ng isang tagalungsod na dumadama sa loob ng lungsod at tumatanaw papalabas ng sakop nito at tanging siya lamang makababatid. O kaya’y tingnan ang lungsod mula sa labas nito, nang sa gayon ay mabatid ang kabuuan ng lungsod na hindi mababatid ng tao na nasa loob nito at ang sipat ay limitado. Ang ganitong pagtanaw hinggil sa lungsod ang ipinamamalas ng mga tulang “Sa Unang Ulan ng Mayo” ni Charles Tuvilla at “Talà” ni Phillip Kimpo Jr.

…[W]alang sermon ang mahihiwatigan sa tulang ito. Matipid ang paglalarawan, na tinumbasan ng pambihirang salaysay hinggil sa karanasan ng bata.

…[S]inasampal tayo ng tula dahil nag-iiwan na tayo ng basurang materyal ay pinalalawak pa iyon sa pagdaragdag ng mga basurang may kaugnayan sa kaisipan, halagahan, at pagkamamamayan. Sa unang malas ay payak ang tulang “Talà” ngunit ang uuriin nang maigi’y hinahatak tayo nito na sipatin ang ating kalagayan nang higit sa nakagawian, at tumanaw sa malayo at abutin ang mga pinapangarap na bituin.

Bisitahin ang Alimbukad ni sir Bobby para sa buong sanaysay at mga tula namin ni Charles.

Sa Simula

Wednesday, September 12th, 2007

Sa simula ay wala?
Masdan ang mga talà:
Lahat, nasa simula.

1:49 AM
Setyembre 12, 2007

Hm, ito na marahil ang panahon upang sabihin ito…”Welcome! Mabuhay! Have a nice stay!”

Tangina, salamat at nabuksan na rin itong blog na ito.