Bagong Pangulo ng LIRA (At Isang Bagong Simula)
Noong nakaraang Linggo, inihalal ang bagong officers ng LIRA. Pagkatapos ng problemang kinaharap ng aming pamilya nitong Enero (pagkakadawit ng pangalan ni Daddy sa Alabang Boys case), pinadalhan ako ng Diyos ng isang napakagandang pagbabago sa buhay.
Isa lang ang masasabi ko, at sasabihin ko nang paulit-ulit: Nasa huli ang biyaya.
(Sa mga di-nakakaalam, ang LIRA ay isang samahan ng mga manunulat at makatang Filipino na itinatag ng National Artist for Literature Virgilio S. Almario a.k.a. Rio Alma nong 1985.)
Mga kaibigan, ang bagong Pamunuan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo:
- Pangulo (President) - Phillip Kimpo Jr.
- Pangalawang Pangulo (Vice-President) - Francisco “Kiko” MonteseƱa
- Kalihim (Secretary) - Vivian “Beng” Limpin
- Ingat-Yaman (Treasurer) - Enrique “En” Villasis
- Tagapag-ugnay (Public Relations Officer) - Mariane Amor Romina “Ynna” Abuan
[Para sa mga retrato namin, magtungo sa orihinal na blog post sa Multiply.]
Mabuhay ang bagong Pamunuan ng LIRA!
Nais naming magpasalamat sa mga outgoing officers. Sila ang naglatag at naglunsad ng maraming magagandang proyekto para sa organisasyon. Nawa’y pagpalain sina Beverly Siy (pangulo), Raul “Tata” Funilas (pangalawang pangulo), Maureen Gaddi dela Cruz (kalihim), at Pamela Maranca (ingat-yaman) sa kanilang mga susunod na gawain sa buhay. (Si En ang PRO dati pero naglilingkod uli sa Pamunuan ngayon.)
Nais din naming batiin ang mga bagong pasok na kasapi ng LIRA:
Mga Ganap na Kasapi
- Mariane Abuan
- Teofilo Catanyag
- Perfecto Edilo
- Noel Fortun
- Deborah Nieto
- Willester Robles
- Renato Santillan
- Natalie Sepe
- Ryan Tanauan
Probationary Member
- Gigi Constantino
- Sheila del Mundo
Aaminin kong kinakabahan akong magsilbing pinuno ng isang tanyag na organisasyon, lalo na’t bata pa ako at isang taon pa lang mula nang nanumpa ako bilang kasapi. Ngunit kasabay ng kaba ang pananabik — labis akong natutuwa sa lineup ng officers pati na rin sa bagong dugo ng LIRA, at gusto ko nang makatrabaho ang mga kaibigan kong ito para sa pagpapaunlad ng panitikan sa Filipinas.
Sa mga nagsisimulang makata at manunulat, bantayan lang po ang aming website dahil malapit na po kaming magbukas ng Fellowships para sa LIRA Poetry Clinic 2009. Kita kits sa Hunyo para sa simula ng mga worksyap!
Ang bilis ng isang buwan.
Noong Bagong Taon, nagsisimula pa lang ang pinakamasaklap na yugto ng buhay ko — ang pagkakadawit ni Dad sa “panunuhol” sa Alabang Boys case. Ang hirap talaga, sobrang hirap ng mga pinagdaanan namin. Nagawa ko ang mga bagay na di ko sukat akalaing magagawa ko — ipagtanggol si Dad sa diyaryo, lunukin ang ‘pride’ at magpadala ng sangkaterbang text at email sa kahit di ka-close, magpa-interview kay Ces Drilon, at kung ano-ano pa.
Langya ‘yan. Di ko rin sukat akalain na lahat ng iyon, maipapanalo rin ang laban.
Nagawa ko.
Kaya ko pala.
At panulat lang ang naging sandata ko. Kaya kahit matagal ko nang tinatawag ang sarili kong manunulat, nitong buwan ko lang talaga naisapuso ang kasabihang “the pen is mightier than the sword.”
Sa ibang panahon na ako makapagsusulat ng isang mas mahaba at ‘tunay’ na sanaysay tungkol sa mga nangyari, kaya heto ang isang summary:
- Umabot pala sa kung saan-saan ang liham kong nagtatanggol kay Dad. Nabasa ng mga congressmen, ng mga pulitiko, ng mga abogado, ng mga pulis, ng kung sino-sino.
- Sa mga congressional hearing at imbestigasyon ng NBI, lumabas na walang basehan ang mga alegasyon kay Dad. (Kung meron sa ibang opisyal/piskal, wala na akong pakialam doon.) Sabi nga ni Ynna, para na ngang ‘non-existent’ si Dad sa mga huling hearing at mga balita.
- Binuksan ni Dad ang kanyang mga bank account sa Congress. Sinabi niya ang laman ng isang account: mga 3000 pesos (oo, tatlong libo) lang. Napatawa ang mga tao. Sabi ni Tita Baby, nagpalakpakan sila sa kanilang office sa puntong ito.
- Nang nabasa daw ng boss ni Tita Baby (sa Bangko Sentral) ang liham ko, ipinaskil nila iyon sa bulletin board para mabasa ng lahat.
- Nag-waive na si Dad ng kanyang bank secrecy rights. Pwede nang busisiin ng gobyerno ang laman ng lahat ng bank account niya. Baka mapatawa lang ang mga magbubusisi, dahil nga sa halip na “unexplained wealth,” “unexplained poverty” ang makikita nila.
- Sumikat ang bulok naming kotse dahil nabigyan ng media exposure. Hehe. Di na namin ibebenta ito. Pang-museum piece na!
- Naaalala niyo si Major Marcelino? ‘Yung militar na nasa PDEA na tinanghal na bayani sa media noong simula ng kontrobersiya? (PDEA ang naging katunggali ng DOJ sa kasong ito.) Sa isang hearing, lumapit siya at nakipagkamay kay Dad. Sabi niya, “Ser, nabasa ko ang letter ng anak mo.”
Ayun lang muna. Basta, masaya ako. At sa tingin ko, panahon na na ibalik ko sa normal ang buhay ko.
Isang buwan ng katarantaduhan ang pinagdaanan ko, pero sa pagsimula ng bagong buwan (Pebrero), para bang binigyan ako ng Diyos ng isang sumisigaw na mensahe: “Eto, LIRA president ka na. Tagumpay ‘yan. Kung di mo inaasahan ang Alabang Boys issue, di mo rin inaasahan ang ganito kalaking biyaya. Pambawi ‘yan sa pinagdaanan mo, and more.”
(Naks nagta-Taglish ang Diyos.)
Salamat sa lahat, sa lahat, sa lahat, at sa lahat. Mula sa Maykapal hanggang sa langgam. Sa lahat ng nagpakita ng suporta, susubukan kong magpasalamat sa inyo isa-isa, pero maniwala kayo, tinatandaan ko kayong lahat. Mahal ko kayo.
Enero 2 nang may sinulat akong liham na di ko akalaing napakalaki nang magiging epekto. Ngayon, Pebrero 5, tatapusin ko ‘tong blog post na ‘to kung paano ko sinimulan ang liham.
Eto si Phillip Kimpo Jr., 23, manunulat, makata, blogger. Nagsisimulang maglingkod sa panitikang Filipino bilang Pangulo ng LIRA…at nagsisimulang muli.
(At simulan na ang pag-a-upload muli ng nakabinbing photo albums!)
February 12th, 2009 at 3:24 am
[...] pa ang aking pagiging bagong Pangulo kesa sa 1st year anniversary bilang member. Di ko [...]