(A)lamat at (H)istorya ni Rio Alma
Isang luma at munting sulatin sa aking unang Moleskine notebook, may petsang Setyembre 17, 2007. Fellow pa lang ako noon sa LIRA workshop. Pagkatapos kong sulatin ito ay pinuno ko ang aking munting library ng mga Filipiniana at tula.
* * *
Natapos ko nang basahin ang (A)lamat at (H)istorya ni ser Rio Alma. Ito ang unang aklat na natapos ko sa Ingles at Filipino. (Di rin halatang ngayon ko lang naibigang magbasa ng mga tula, ano? Salamat sa LIRA. Puro prosa kasi ako dati.)
Ito rin ang ikatlong aklat sa wikang Filipino na natapos ko, sumunod sa Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo Reyes (isa sa mga paborito kong nobela sa kahit anong wika) at Kung paano ko inayos ang buhok ko matapos ang mahaba-haba ring paglalakbay ni Norman Wilwayco. (At pati na rin pala ang mga salin sa Filipino ng Noli at Fili.)
Mula sa librong ito, marami akong tulang lubos na nagustuhan. Ang ilan sa kanila ay:
- Alamat ng Pagbitay kay Macario Sakay - kayganda ng huling saknong
- Estado ng Kabuhayan Noong 1584 Sang-ayon kay Juan Arze de Sadornel - isinulat noong 6-15-84 (kindat, kindat); swakto sa kalagayan ng ating lipunan ngayon!
- May Isang Seminarista - naaalala ko lagi ang aking ama sa maikling tulang ito
Iba pa: Alamat ng Retiradong Dyip, Ritwal, Mga Sipi sa Liham kay Haring Felipe mula kay Miguel Lopez de Legazpi, Sa Parangal ng Bayani.
* * *
Dito na nagtapos ang sulatin. May sakit kasi ako noon at nanghihina ang kamay. (Naks nagkaroon pa pala ng drama ang nasabing sulatin.) Natabunan na rin ang pahina ng mga sumunod na tula, kuwento, at sanaysay.
Nabasa ko ang librong ito ni Rio Alma sa panahong lumalago ako bilang isang makata at manunulat. Ito rin ang panahong nahuhulma sa isipan ko ang diwa ng pagiging isang taga-sining: lumikha ng sining di lang para sa sarili, kundi para sa lipunan. Everything in moderation, ika nga nila. Para sa akin ay hindi maayos ang sobra-sobrang personal na akda, at ganoon din sa sobra-sobrang panglipunan na akda.
Natuwa ako sa librong ito at sa may likha nito, si Rio Alma, dahil sumakto sila sa aking paniniwala.
Kung paniniwala na rin lang, di rin ako makapaniwala na halos isang taon na ang nagdaan mula nang natapos ko ang aklat na ito, isang librong mahalaga para sa akin. Napakarami na rin ng mga nangyari, lalo sa aking karera bilang manunulat.
At ngayon, kailangan ko nang tapusin itong munting sulatin na ito. Gaya ng nangyari noong nakaraang taon, may sakit na naman ako’t nanghihina.
Napaghahalataan ang sakitin.
October 6th, 2008 at 3:59 pm
Ang ganda ng website nyo! Maraming tao ang ma22lungan nyo! more power 2 u!