Pagbása ni Roberto T. Añonuevo sa Aking “Talà”
(Galing sa aking Multiply.)
Laking gulat ko kaninang tanghali nang nabasa ko ang pinakahuling sanaysay ni Ginoong Roberto Añonuevo sa kanyang blog. Sa Estetika at Pagtanaw hinggil sa Dalawang Lungsod, sinuri ni sir Bobby ang dalawang tula, at ang isa ay ang aking Talà, isinulat noong Marso 2007 at isinabak sa Palihan sa LIRA noong Agosto 2007.
Bago kay sir Bob ay wala pang nakapagsusulat ng pagsusuri sa aking mga akda, sa Ingles man o sa Filipino, kaya doble ang gulat at tuwa (gulatuwa?) kong naramdaman na ang unang beses ay mula sa isa sa mga pinakabatikan at tinitingalang manunulat sa Pilipinas.
Ilang sipi/excerpt mula sa nasabing sanaysay:
Maaaring tanawin ang lungsod sa iba’t ibang paraan, at isa sa rito ang pagtatanghal sa punto de bista ng isang tagalungsod na dumadama sa loob ng lungsod at tumatanaw papalabas ng sakop nito at tanging siya lamang makababatid. O kaya’y tingnan ang lungsod mula sa labas nito, nang sa gayon ay mabatid ang kabuuan ng lungsod na hindi mababatid ng tao na nasa loob nito at ang sipat ay limitado. Ang ganitong pagtanaw hinggil sa lungsod ang ipinamamalas ng mga tulang “Sa Unang Ulan ng Mayo” ni Charles Tuvilla at “Talà” ni Phillip Kimpo Jr.
…[W]alang sermon ang mahihiwatigan sa tulang ito. Matipid ang paglalarawan, na tinumbasan ng pambihirang salaysay hinggil sa karanasan ng bata.
…[S]inasampal tayo ng tula dahil nag-iiwan na tayo ng basurang materyal ay pinalalawak pa iyon sa pagdaragdag ng mga basurang may kaugnayan sa kaisipan, halagahan, at pagkamamamayan. Sa unang malas ay payak ang tulang “Talà” ngunit ang uuriin nang maigi’y hinahatak tayo nito na sipatin ang ating kalagayan nang higit sa nakagawian, at tumanaw sa malayo at abutin ang mga pinapangarap na bituin.
Bisitahin ang Alimbukad ni sir Bobby para sa buong sanaysay at mga tula namin ni Charles.