13thApril

Kurant, Kasaysayan, Kalasingan

Alas-singko na ng umaga nang makauwi kami ng mga magpipinsan mula sa Eastwood. Siyempre, inuman. Ipanema tapos Agave.

Unang beses ko ring natikman ang Absolut Kurant Sprite. (Inosente pa ako sa maraming aspekto ng buhay.) Masarap ang naturang inumin — eto ‘yung tipo ng toma kung saan masarap talagang magpakalasing — pero putris ang mahal. 135 pesos yata bawat maliit na baso (na puno pa ng yelo). Kaya ang gagawin ko, bibili na lang ako sa supermarket ng bote ng Absolut Kurant at ako na ang maghahalo ng Sprite.

Bago pala ang inuman at kuwentuhan, napadaan kami ni Manang Khiara sa A Different Bookstore. (Kung saan kinumpirma ko ang pagiging nerdo ko — inuman ang sadya, tapos sa aklatan napadpad.) Minsan lang kasi ako makapunta sa mga lugar na mayroon ng ganitong bookshop, kaya sinamantala ko na ang pagkakataon. Gusto ko ang seleksyon nila rito ng mga aklat, lalo na sa non-fiction at history.

Ang aking nabitag: The Rise and Fall of Alexandria: Birthplace of the Modern World nina Pollard at Reid. 705 pesos, pero pakiramdam ko ay sobrang sulit.

(Oo, pa-epek lang ang pamagat ng blag post na ‘to.)

Ibahagi ang Inyong Iniisip