Nakaraang Sabado: Ikinasal ang aking pinsan na si Manong Mark kay Manang Ruth. Ang kasal ay idinaos sa isang di-kalakihan ngunit napakagandang simbahan sa Makati, at ang reception ay idinaos naman sa Fort Bonifacio.
Pagkatapos, inihatid namin sina Tita Chuchi at Tito Boy sa Cainta. Tinimplahan ako ni Tita ng kapeng may cream. Unang beses kong makainom ng mainit na kape. (Malamig, hindi.) Masarap pala.
Mabuhay ang bagong kasal, at ang bagong nagkakape!
* * *
Linggo: Isang tasa ng mainit na kape. Kulang sa cream.
Buti naman at nakapagsimba ulit ako.
* * *
Lunes: Dalawang tasa ng mainit na kape. Ayos na ang cream, dahil bumili ako ng isang garapon pagkatapos kong ipagupit ang aking limang buwan-kahabang buhok.
Nag-email ako sa mga hinayupak na ‘customer support’ ng Dreamhost sa Amerika. Kinain ng kanilang kahindik-hindik at malangis na makinang tinatawag na ToS Violator (rawr!) ang aming Komiks.ph. Huhu.
* * *
Martes: Tatlong tasa ng mainit na kape. Iyong ikahuli, nilagyan ko ng kaunting chocolate at vanilla ice cream. Tinopak e. Ayos lang ang lasa, hindi pang-Istarbaks.
Napag-usapan din namin ni Ia sa YM ang pagiging mapapel ng ilang taong nagkakape. Tulad ng ginagawa ko ngayon na paulit-ulit binabanggit ang “kape”. Kape. Kape. Kape.
* * *
Miyerkules, madaling araw: Pagkatapos ng ilang oras ng trabaho (habang binabagabag ng sobrang masakit na ulo), nakapag-cover ulit ako ng mga aklat. Kahit papaano, relaxing pala. Naibsan ang pagtatambol sa loob ng utak ko. Dalawang libro ang nabiyayaan ng yakap ng plastik: Tatlong Pasyon Para sa Ating Panahon ni Rio Alma, at Patnubay sa Pagsasalin ni Rio Alma (ulit), Teo Antonio, Mario Miclat, at iba pa.
Iyong ikalawang aklat, nabili ko noong Manila International Book Fair. Magiging partner-in-crime ko ito sa mga susunod na taon; nawa’y hindi ako palaging malugi sa salin.
* * *
Miyerkules, bukang-liwayway: Yehey, matutulog na ako!